Naging palaisipan sa mga archaeologist ang nahukay na ilang piraso ng napakalalaking sapatos na halos isang ruler ang haba, at tinatayang ginawa 2,000 taon na ang nakaraan sa isang Roman site sa northern England.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing may sukat na 30-centimeter (halos 12 pulgada o isang ruler) ang haba ng mga sapatos —na katumbas ng size 49 sa Europe at size 15 naman sa US— ang nakita ng mga archaeologist mula sa Vindolanda Charity Trust nitong nakalipas na mga buwan.

Itinatag ang charity trust noong 1970 upang maghanap, magsagawa ng pag-iingat, at ipaalam ang mga labi ng Romano na makikita sa mga lugar ng Vindolanda at Carvoran, na parehong bahagi ng Hadrian's Wall World Heritage Site sa hilagang Inglatera.

Natagpuan ang walong malalaking sapatos sa isang defensive ditch na karaniwang ginagawang tapunan ng basura ng mga Romano sa Magna Roman Fort sa Northumberland.

Ayon kay Rachel Frame, isang senior archaeologist ng proyekto, kakaunting bahagi lamang ng koleksyon ng sapatos sa Vindolanda ang may magkakaparehong laki. Ngunit ilan nga sa nakita sa Magna site ang malalaki.

Tinawag nito ito na "really unusual."

"We're all now off trying to work out who might have been here," sabi ni Frame sa AFP.

Dagdag pa niya, sabik silang malaman kung anong grupo o regiments ang nakaposisyon sa Magna at bakit napakaraming malalaking sapatos ang nakita naturang lugar kumpara sa iba.

Ayon sa website ng Vindolanda, natuklasan ang unang “hindi pangkaraniwang malaking sapatos” noong Mayo 21, at patuloy pa silang nakakahanap mula noon.

"You need specific soil conditions with very low oxygen for organic objects made of things like wood, leather, textiles, stuff like that, to survive for this length of time," paliwanag ni Frame.

Inihayag rin niya na sinusuri nila ngayon ang kasaysayan ng Imperyong Romano para sa posibleng sagot, dahil malamang na maraming tao mula sa iba’t ibang kultura at pinagmulan ang nagkita-kita sa naturang lugar.

"When people think about the Romans, they think about Italians, they sometimes forget just how broad the Empire was and how far it stretched," ayon kay Frame. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News