Pumanaw na ang beteranang showbiz columnist na si Lolit Solis sa edad na 78.

Kinumpirma ng kaniyang anak na si Sneezy sa GMA News Online Biyernes ng umaga na nakaranas ng heart attack si Manay Lolit at pumanaw sa ospital.

Sa kaniyang huling Instagram post, pinasalamatan ni Lolit ang mga doktor sa pag-aalaga sa kaniya.

Kilala bilang isang entertainment writer, talent manager, at TV show host, isa si Lolit sa mga host ng Kapuso talk show na "Startalk."

Sa radyo naman, nagsilbi rin siyang host ng showbiz segment na Starpok/Istorbo! sa Dobol A sa Dobol B.

Naging bahagi rin siya ng council ng StarStruck Season 5, at naging interviewer sa castaways ng Survivor Philippines noong 2010. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News